Umani ng samu’t saring reaksyon online ang TikTok content creator na si Kier Garcia, mas kilala bilang “Fhukerat,” matapos makita sa viral video ang paggamit niya ng Philippine passport bilang ID sa domestic flight papuntang Boracay noong Hulyo 24.
Sa naturang video na in-upload niya sa TikTok, makikitang ipinakita ni Fhukerat ang kaniyang passport bilang proof of identification, sa halip na karaniwang ID gaya ng driver’s license o National ID. Agad itong umani ng komento mula sa netizens — may mga natawa, may mga pumuna, at may ilan ding nagtanong kung bakit passport pa ang ginamit niya gayung domestic flight lamang naman ito.
“Wala namang mali don kasi ID naman ‘yon, ‘yon ang pag-identify ng pagkatao mo, ikaw yon,” ani Fhukerat sa isa pang follow-up video. Paliwanag pa niya, kasama rin niya ang kanyang National ID, ngunit dahil ito ay nasa pitaka, mas mabilis niyang naabot ang passport, kaya ito na lang ang ipinakita.
May ilang netizens na nagsabing dapat ay “ipinagtabi na lang ang passport para sa international travel” habang may mga sumuporta at nagsabing walang masama sa ginawa ni Fhukerat dahil ang passport ay government-issued ID na mataas ang lebel ng bisa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang Philippine passport ay isang pangunahing dokumento ng pagkakakilanlan, at kabilang ito sa listahan ng mga valid government IDs na kinikilala ng iba’t ibang institusyon sa bansa. Ginagamit ito hindi lang sa international travel kundi sa mga opisyal na transaksyon, tulad ng loan applications, pagkuha ng ibang IDs, at pati sa legal documents.
Kinakailangan ng confirmed online appointment sa DFA, personal appearance, kumpletong application form, at mga supporting documents gaya ng PSA-issued birth certificate at isa pang government-issued ID. Ang mas mahigpit na proseso para makuha ito ay dahilan kung bakit ito ay tinuturing na matibay at valid na ID.
Walang patakaran sa mga paliparan na nagbabawal sa paggamit ng passport para sa domestic travel, kaya't malinaw na hindi nilabag ni Fhukerat ang anumang regulasyon.